=MANILA, Philippines - Dapat umanong ibartolina sa maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ang convicted murderer na si Rolito Go matapos ang mga ulat na nilalabag nito ang kanyang “living-out” privileges at ang mga prison rules mula pa noong 2008, ayon sa pamilya ng road rage victim na si Eldon Maguan.
Ayon kay Mrs. Rosario Maguan, ina ni Eldon, si Go ay tumitira sa kanyang sariling kubol sa likod ng Ina Ng Awa Parish nasa loob ng NBP reservation camp. Ang kanyang kubo ay malapit umano sa mga kubol na tinirahan ng dating rape convict at dating Zamboanga del Norte Cong. Romeo Jalosjos na nakalaya noong March 2009 matapos mabilanggo ng 13 taon.
Si Go kasama ang 407 inmates ay nasa minimum-security facility na pinagkalooban ng “living out” status habang 109 ang binigyan naman ng pribilehiyong “sleep out”, batay na rin sa natuklasan ng Department of Justice five-man panel na nag-iimbestiga sa mga unauthorized “vacation” ni convicted killer at dating Batangas Gov. Jose Antonio Leviste.
Ang mga “sleep out” prisoners ay maaaring matulog sa mga private homes sa loob ng prison compound at hindi sa loob ng selda.
Ayon sa mga opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor), ang “living out” inmates ay malayang nakakagala sa loob ng NBP compound mula alas-6 ng umaga subalit kailangan silang mag-report sa kanilang custodians para sa head count pagsapit ng alas-6 ng gabi. Kung mabigo ang mga ito, idedeklara silang “missing” at ililipat sa maximum security kapag natagpuan.
Ayon kay Mrs. Maguan, dapat nang ibalik si Go sa maximum-and minimum-security compounds dahil hindi na mabilang ang paglabas nito sa bilibid mula pa noong 2008.
Aniya, ginawang living out inmate si Go noong March 2008 kahit hindi naman ito kuwalipikado.
Sinabi ni Mrs. Maguan na ilang sources ang nagsabi sa kanya na sa halip na pumunta sa ospital, dumidiretso si Go sa kanyang bahay sa Quezon City at bumabalik lamang sa NBP kapag malalim na ang gabi upang hindi maispatan ng mga awtoridad.