MANILA, Philippines - Upang maiwasan umano ang paglabas ng mga bilanggo na parang namamasyal lamang sa labas ng kanilang mga selda, iginiit kahapon ni Senator Juan Miguel Zubiri ang pagtatayo ng isang modernong bilangguan na katulad ng sa Alcatraz sa isang isla sa labas ng Metro Manila.
Ayon kay Zubiri, dapat nang pag-isipan ni Pangulong Aquino ang pagpapatayo ng moderno at secured na maximum security compound sa labas ng Metro Manila upang hindi na maulit ang ‘pamamasyal’ ng mga maiimpluwensiya at mayamang bilanggo sa labas ng kanilang selda.
Ipinanukala pa ni Zubiri na ibenta na ng gobyerno ang 551 ektaryang Muntinlupa Bilibid Prisons upang makalikom ng pondo para sa pagpapatayo ng isang moderno at secured na bilangguan sa isang isla sa labas ng MM.
Sinabi pa ni Zubiri na sa kasalukuyan ay nagagawa pa rin ng mga sindikato ang kanilang ilegal na gawain katulad ng pagbebenta ng ilegal na droga kahit sila ay nakakulong.
Puwede umanong itayo ang ala-Alcatraz na bilangguan sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija o sa isang isla sa Luzon.