800,000 toneladang bigas planong ipuslit
MANILA, Philippines - Aabot sa 800,000 metrika tonelada ng imported na bigas ang posibleng makopo ng isang metal scrap dealer bunga umano ng isang maanomalyang transaksyon.
Ito ang giit ng ilang concerned employees ng National Food Authority kasabay ng apela sa administrasyong Aquino na gumawa ng malalimang imbestigasyon kaugnay nito upang lumutang ang katotohanan. Nakatakda umanong angkatin ang naturang bulto ng bigas sa taong ito.
Batay sa record ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), taong 2005 ay natawag na ang atensyon ng gobyerno hinggil sa mga importasyon at negosyo sa pantalan ni Davidson Tan Bangayan, isang Fil-Chinese scrap metal dealer, matapos ireklamo ng panloloko ng isang kumpanya sa Singapore.
Nauna rito, sinabi ni Jose Concepcion Jr., chairman ng ASEAN Business Advisory Council, umangal ang Swastik Intertrade na nakabase sa Singapore, matapos matuklasan na bukod sa kulang sa timbang, mga lumang gulong, lupa at buhangin ang laman ng 31 container vans na ipinadala sa mga kostumer nito ng Advanced Metal Specialist Corp., isang kumpanya sa Pilipinas na umano’y pag-aari ni Bangayan.
Bunga ng insidente at dahil sa idinulot na kahihiyan sa bansa, napilitan si Concepcion na ipanukalang magbuo na lang ng “watchdog” ang pribadong sektor na tutulong sa mga customs bureau sa rehiyon upang maiwasang maloko ng mga negosyanteng katulad ni Bangayan.
Sa kabila nito, sinasabi ng mga lehitimong rice traders na rehistrado sa NFA na nagulat na lang sila sa nakalap nilang impormasyon na halos 90 porsiyento ng aangkating bigas ng bansa ngayong taon ay napunta sa grupo ni Bangayan.
- Latest
- Trending