PNoy, Erap, GMA sa kasal ni Miriam

MANILA, Philippines - Inaasahang magkakasama-sama sa renewal ng kasal ni Sen. Miriam Defensor-Santiago sina Pangulong Benigno Aquino III, dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at dating Pangulong Erap Estrada.

Ito ang kinumpirma kahapon ng isang source na malapit kay Santiago kaugnay sa nalalapit na muling pagpapakasal ng senadora sa Hunyo 19.

Kinumpirma rin ng source na tinanggap na ni Pa­ngulong Aquino ang imbitasyon na maging bestman sa 40th wedding anniversary ng senadora  kung saan tatayo namang maid of honor ang actress na si Heart Evangelista.

Magaganap ang muling pagkakapasal ni Santiago at asawa nitong si Atty. Narciso Santiago Jr., sa Manila Cathedral kung saan mamumuno sa seremonya si Cardinal Gaudencio Rosales sa ganap na alas-6 ng hapon sa Hunyo 19.

Kaugnay nito, tiniyak kahapon ni Santiago na matatanggap niya ang basbas ni Cardinal  Rosales sa araw ng kanilang kasal kahit pa isa sa may-akda ng Reproductive Health Bill sa Senado.   

Show comments