MANILA, Philippines - Iniutos kahapon ni Senior Supt. Alex Gutierrez ang pagmamanman at posibleng pagdakip sa isang ‘kotong cop’ na madalas umanong mambiktima ng motorista sa Ermita, Maynila.
Kasunod ito ng reklamong idinulog ng 47-anyos na si Alfredo Balistar, ng Block 35, Lot 15 Bautista Property Dasmarinas, Cavite kahapon ng umaga sa Manila Police District- General Assignment Section, laban sa ‘di nakilalang unipormadong pulis na sapilitang kumuha ng kaniyang pera, matapos siyang sitahin sa bahagi ng Padre Burgos St., sa Ermita, Sabado ng gabi.
Ang ‘di nakilalang pulis ay sakay umano ng kulay itim na scooter at biglang sinita siya sa umano’y traffic violation dakong 11:20 ng gabi noong Mayo 14 at sapilitan umanong kinuha ang kaniyang perang P3,800 bago pinaharurot ang scooter papalayo.
Ayon sa MPD-GAS, maraming reklamo na ang kanilang natanggap laban sa di pa kilalang pulis na iisa umano ang estilo ng pangongotong o ‘hulidap’.