MANILA, Philippines - Hinihikayat ni Pangulong Aquino ang lahat ng mamamayan ng bansa na sanayin ang sarili na mag-ehersisyo upang maiwasan ang pagkakaroon ng non-communicable diseases (NCDs) na siya umanong pangunahing dahilan ng pagkamatay.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa inilunsad na “Ehersisyo Pangkalusugan Para sa Lahat 2011” ng Department of Health sa Quezon Memorial Circle kahapon.
Sa kanyang talumpati, inihayag ni P-Noy na ang improper diet at kakulangan sa exercise ay ang major cause ng NCDs gaya ng diabetes, hypertension at cardiovascular diseases.
Tututukan din aniya ng kanyang administrasyon ang pagbibigay solusyon sa kawalan ng pagkakapantay pantay sa natatanggap na serbisyong pangkalusugan ng mga Pilipino.
“Kailangan natin ang isang malusog at matatag na sambayanan upang mapabilis ang atin pong pag-unlad. Handa na pong umarangkada muli ang ating bansa tungo sa finish line kung saan ang lahat ng Pilipino ay panalo, masigla at masagana,” wika ng Pangulo.
Sa kabila nito, sinabi ni Pangulong Aquino na hindi pa rin daw niya ititigil ang paninigarilyo.
Kahapon ng umaga ay kasamang nag-bike ng Pangulo ang kanyang Cabinet officials sa paligid ng Quezon City Memorial Circle.
Una nang naiulat noong pagpasok ng 2011 na aasahan umano ang isang pala-exercise na Pangulong Noynoy Aquino.
Magugunitang marami ang pumupuna sa paninigarilyo ng Pangulo at umano’y pagkahilig nito sa computer games at billiards.
Sinabi ni Presidential Communications Sec. Ricky Carandang, magiging regular na umano ang pagbibisikleta ng Pangulo lalo pa’t may bago itong bike.