Transport group nagpasalamat kay Aquino

Manila, Philippines - Nagpaabot ng pasasalamat kay Pangulong Benigno Aquino III ang transport groups hinggil sa naipagkaloob na Pantawid Pasada Program na pinondohan ng pamahalaan ng halagang P450 milyon.

Ayon kay Ka Orlando Marquez, pangulo ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) at spokesman ng 1 Utak partylist, malaki ang naitulong sa kanila ng naipamahaging fuel subsidy card ng pamaha­laan dahil naibsan nito ang epekto ng pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo.

Anya, halos lahat na ng kasapian ng transport group sa Metro Manila ay nabigyan na ng subsidy card at kasalukuyan namang naipamamahagi sa mga lalawigan para sa kanilang kapakinabangan

“Malaki ang naitulong sa amin ng programang ito at dahil limang taon naming itong gagamitin, sobrang kaluwagan na ito sa amin para mabawasan ang gastusin sa pagpapakarga ng diesel sa mga sasakyan namin”, pahayag ni Marquez.

Bukod dito ay pina­aabot nila ang pasasala­mat kay Pangulong Aquino sa paglalaan sa transport sector ng P1 bilyon halaga ng pondo para pondohan ang Mo­der­nization, Repowering at Rehabilitation Program sa mga pampasaherong jeep na malaking tulong para makaagapay sa pag aangat ng kabuhayan ng maraming bilang ng mga tsuper sa bansa.

Ang bagay na ito ay rekomendasyon nina Se­nate President Juan Ponce Enrile at Sen. Chiz Escudero sa pamahalaan para mabigyan ng ayuda ang transport sector nationwide.

Show comments