Manila, Philippines - Kinumpirma ni Sen. Ralph Recto na hindi nakarating sa lalawigan ng Batangas sa nakalipas na 3 taon ang mga nakalaang contraceptives dito.
Kinastigo din ni Sen. Recto si dating Health Sec. Esperanza Cabral sa pagsasabing sinisiraan lamang ito ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III dahil sa tutol ang mambabatas sa pagpasa ng Reproductive Health bill.
Magugunita na ibinunyag ni Sotto na umabot sa P2.6 bilyon ang nawawalang pondo para sa family health care kung saan kabilang ang pondo para sa contraceptives.
Ayon kay Recto, matapos lumabas ang ulat, mismong si Batangas Gov. Vilma Santos ang umalam kung may nakarating bang delivery ng contraceptives sa mga bayan dito sa nakalipas na 3 taon.
Lumitaw sa pagsisiyasat ni Gov. Vilma na walang nakarating na delivery ng mga contraceptives sa Batangas mula 2008 hanggang 2010.
“Sa budget deliberation last year, sinabi ng DOH na may worth P2.8 milyon ang naideliber daw noong 2008; P3.7 milyon noong 2009 at P8.9 million noong 2010. Kagad kong tinawagan si Gov. Vi at nang ipa-tsek namin ito sa aming health, finance at iba pang opisyales, walang nangyaring delivery,” pahayag ni Recto.
Wika pa ni Sen. Recto, si Cabral ang dapat tumahimik at hindi dapat nito pinepersonal si Sen. Sotto sa kanyang posisyon sa RH bill.
Sinabi naman ni Senate Pro-Tempore Jinggoy Estrada na hindi dapat gamiting alibi ni Cabral ang pagiging anti-RH bill ni Sotto at sa halip at dapat nitong sagutin ang isyu ng nawawalang pondo para sa mga contraceptives.