MANILA, Philippines - Sinampahan ng mga kasong kriminal sa Department of Justice (DOJ) si dating Ombudsman Merceditas Gutierrez kaugnay sa bigong pag-aksiyon sa P728-M fertilizer fund scam case.
Mga kasong paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act Section 3(e), Obstruction of Justice, perjury and false testimony ang inihain laban kay Gutierrez ng mga complainant na kinabibilangan nina Anakpawis Representative Rafael V. Mariano; Danilo Ramos, Secretary General ng Kilusang Magbubukid ng Pilpinas; Zenaida Soriano, Secretary General ng National Federation of Peasant Women; Fernando Hicap, pinuno ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas; Rodel Mesa, Secretary General ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura; Alexander Pinpin, Secretary General ng Kalipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog-Katagalugan; Jose Canlas, Chairperson ng Alyansa ng mga Magsasaka ng Gitnang Luzon; Reynaldo Abrogena, Chairperson ng Dangayan Dagiti Mannalon Ti Cagayan Valley; at Atty. Edre Olalia, Secretary General ng National Union of Peoples’ Lawyers.
Sa 10-pahinang complaint affidavit, tinukoy ng mga complainant ang pagbalewala ni Gutierrez sa 40 reports na inihain ng Task Force Abono, isang special probe body na itinatag ng Tanggapan ng Ombudsman na tututok lamang sa mga kontrobersiyang may kinalaman sa P728-M fertilizer fund scam.
Naniniwala ang mga complainant na malinaw na paglabag sa Section 3 (e) ng anti graft law o Republic Act 3019 ang ginawa ni Gutierrez at maituturing na obstruction of justice.