Hustisya kay Mayor Uy, siniguro ni Aquino
MANILA, Philippines - Siniguro kahapon ni Pangulong Benigno Aquino III sa pamilya ng pinaslang na Catbalogan City, Samar Mayor Reynaldo Uy na makakamit nito ang hustisya sa madaling panahon.
Personal na bumisita si Pangulong Aquino kahapon sa burol ni Mayor Uy sa Catbalogan City, Samar kung saan ay siniguro nito sa naulila ng alkalde na makakamit nito ang hustisya. Kasamahan sa Liberal Party ni Pangulong Aquino si Mayor Uy.
Tumagal ng 15 minuto ang Pangulo saka ito nagtungo sa Cebu City upang makiramay naman sa namatay na si Vice-Gov. Gregorio Sanchez.
Samantala, nagpalabas na ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng composite sketch ng 2 sa 3 suspect sa pagpaslang sa alkalde.
Sinabi ni CIDG director Chief Supt. Samuel Pagdilao Jr. na nabuo ang artist sketch batay sa pagsasalarawan ng mga saksi na nakakita sa krimen.
Nauna rito, nagtakda ang mga awtoridad ng P300,000 bilang pabuya para sa sinumang taong makapagtuturo sa mga suspek, habang P1 milyon naman sa ikakaaresto ng mga ito.
- Latest
- Trending