Reporter hinoldap na, ginulpi pa
Manila, Philippines - Doble kamalasan ang sinapit ng isang reporter ng lokal na pahayagan matapos na holdapin ay pinagtulungang gulpihin ng dalawang lalaki na lulan ng motorcycle sa Bacolod City, Negros Occidental kamakalawa.
Kinilala ang biktima na si Adrian Nemes III, reporter ng Visayan Daily Star na halos hindi makagulapay ang katawan sa tinamong mga sugat.
Sa ulat na ipinarating kahapon ng Bacolod City Police sa Camp Crame, naganap ang insidente sa Sumag Village dakong ala-1:45 ng madaling-araw.
Pauwi na si Nemes sa Friendsville Subdivision nang mapansin nito na sinusundan siya ng mga suspek.
Nang maramdaman ang panganib ay tinangkang iwasan ni Nemes ang mga suspek pero agad siyang dinaluhong, kinuyog at pinagtulungang gulpihin kung saan agad siyang tinutukan ng patalim matapos magdeklara ng holdap.
Tumagal lamang ng ilang minuto ang pananakit sa biktima saka nagsitakas tangay ang pitaka ng reporter na naglalaman ng P2,700 cash, cellphone, ATM card.
Nagsasagawa na ng followup operations ang mga Bacolod City Police upang matukoy at maaresto ang mga suspek.
- Latest
- Trending