Manila, Philippines - Pinangako ni LTO Acting Asst. Secretary Racquel Desiderio na hindi babalik sa manual ang operasyon ng Land Transportation Office at magpapatuloy ang pagpapatupad nito ng automated system ng mga transaksiyon sa ahensiya.
Ayon kay Desiderio, malaki ang pakinabang ng LTO sa IT provider nitong Stradcom Corporation para mapabilis ang proseso ng pagrerehistro sa mga sasakyan at issuance ng drivers license sa milyong Pilipino nationwide sa loob lamang ng 30 minuto.
Anya, ang partnership ng LTO at Stradcom na nagsimula noong 1998 ay nagpapakita lamang kung paano nakatulong ang implementasyon ng computerization sa ahensiya para mapahusay ang pagseserbisyo sa publiko.
Walang gastos sa pamahalaan ang computerization project sa ilalim ng Build-Own and Operate scheme at ang kontrata ay nagbibigay ng matagumpay na public private partnership policy ng Aquino administration.
Bago matapos ang taong 2010, nalagay sa alanganin ang puwesto ni Assec. Virginia Torres nang masangkot sa matinding kontrobersiya ng pagtake-over ng ilang grupo ng negosyante sa pangunguna ni Bonifacio Sumbilla at Aderito Yujuico dahilan para pagbakasyunin si Torres ng 60 araw dahil ang insidente ay may matinding epekto sa interes ng publiko at ng pamahalaan.