MANILA, Philippines - Dahil sa tumitinding tensiyon sa Syria, itinaas na sa alert level 2 ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang alarma para sa may 17,000 Pinoy sa nasabing bansa.
Sinabi ni Ambassador Wilfredo Cuyugan na nakikipag-uganayan na sila sa mga Filipino community upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga Pinoy sa lugar.
Pinapayuhan ni Cuyugan ang mga Pinoy sa Syria na maghanda ng kanilang pagkain, tubig, gamot at mga kagamitan tulad ng flashlights, cellular phones at radio para sa emergency situation.
Sa alert level 2, ang mga Pinoy na boluntaryong lilikas sa Syria ay mula sa kanilang bulsa ang magiging gastos sa kanilang pamasahe o plane ticket.
Ang pag-alerto sa 17,000 Pinoy ay kasunod ng travel advisory ng United States at United Kingdom sa kanilang mga mamamayan na nagbabawal na tumungo sa Syria.