KAWIT, Cavite , Philippines - Inihahanda na ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang mga bagong pasabog laban kay dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na maaring magamit sa plunder case ng huli.
Sinabi ni Sen. Lacson sa ambush interview matapos dumalo sa inagurasyon ng R-1 extension ng Coastal expressway na pinangunahan ni Pangulong Aquino kahapon, marami siyang mga dokumento na nakatago sa baul na puwedeng magamit laban kay Arroyo.
Sa pagsisimula ng sesyon sa Mayo 9 ay muli niyang rerebyuhin ang mga hawak na dokumento upang makita kung paano ito makakatulong para madiin ang dating presidente.
“May nakikipag-appointment sa isang meeting para magbigay ng karagdagang dokumentong sa mga bagong anomalyang na-unearth. Dating anomalya pero ngayon lang mailalabas,” ani Lacson.
Iginiit ng senador na panahon na para mapanagot ang mga dapat managot at mabigyan ng linaw ang lahat ng mga alegasyong katiwalian laban sa nakaraang administrasyon.
Tiniyak naman ng Palasyo na magkakaroon ng patas na paglilitis kay Rep. GMA at 2 pang dating Gabinete nito kaugnay sa sinasabing P530-M OWWA fund na inilipat sa PhilHealth na ginamit sa 2004 elections.