Magsaysay 'tahimik' sa desisyon ng SC
MANILA, Philippines - Naging kapansin-pansin ang umano’y pananahimik ni Zambales Rep. Mitos Magsaysay hinggil sa pinakahuling desisyon ng Korte Suprema na pumapabor sa pagdideklara sa 16 munisipalidad ng bansa bilang bagong mga siyudad.
Ayon sa Citizens Movement for Service and Good Governance, malaking palaisipan bakit walang reaksiyon si Magsaysay sa naturang desisyon ng Supreme Court gayung magdudulot ito ng malaking kabawasan sa pondong nakalaan sana sa mga proyektong papakinabangan ng mga taga-Olongapo.
Anang grupo, dapat na magsalita ang mambabatas nang magkasundo ang League of Cities of the Philippines na maghain ng mosyon sa SC para mabaliktad ang nasabing desisyon dahil naaayon naman sa constitution ang pagiging lungsod ng dating mga munisipalidad. Dapat din umanong pagtuunan ng pansin ni Magsaysay ang kapakanan ng kanyang mga kababayan sa unang distrito ng Zambales sa halip na batikusin ng walang saysay ang administrasyong Aquino at pagtatanggol sa kanyang kaalyadong si dating pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo.
Sinabi pa ni Dianne Lane Ballozos, tagapagsalita ng Olongapo chapter ng CMSG, hindi kaila kay Magsaysay na kapag nagkataon ay mababahaginan din ng kani-kaniyang Internal Revenue Allotment ang 16 na bagong siyudad at mapipilitan ang Malacañang na kaltasan ang tinatanggap na IRA ng mga dati ng siyudad kabilang na ang Olongapo.
“Kung marunong siyang tumanaw ng utang na loob sa mga bumoto sa kanya sa Olongapo ay dapat tinutulan niya ito nuon pa,” pagdidiin pa nito.
- Latest
- Trending