Red tape sa I-Card kakalusin

MANILA, Philippines - Nangako si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Ricardo A. David Jr. na kakalusin niya ang nagaganap na ‘red tape’ sa ahensiya sa pamamagitan ng pagpapablis sa proseo sa pagkuha ng alien certificate of registration identity cards (ACR-I-Cards) ng resident aliens sa bansa.

Sa kasalukuyan, pinag-aaralan at nirerepaso na ng ahensiya ang procedures o pagproseo ng I-Cards upang matukoy ang dahilan sa pagtatagal bago maipalabas ang I-Cards ng mga aplikanteng dayuhan, na pawang may reklamo sa pagpapatagal ng proseso na nagiging dahilan ng red tape.

Ang I-Card na nagsisilbing katibayan ng isang dayuhang legal na makapananatili sa bansa at re­histrado sa BI ay niisyu kung naaprubahan ang aplikasyon ng isang banyaga ng BI board of commissioners.

Gayunpaman, ipinagdiinan ni David na ang mga naitakdang mga patakaran sa pagpapalabas ng I-Card ay nararapat upang matiyak na mga lehitimong dayuhan sa bansa lamang ang makakatanggap nito subalit bukas lamang ang Immigration sa anumang reklamong ihahain upang maitumpak ang proseso at mawalan ng dahilan ang mga tiwaling BI personnel na mangikil sa dayuhang nais agad makakuha ng I-Card.

Isa pang sinisilip ang may mga pekeng dokumento o kulang sa requirements na mga dayuhan na naiisyuhan ng I-Card dahil sa katiwalian.

Ginawa ng kagawaran ang mas mahigit na patakaran sa pagbibigay ng I-Card kasunod ng mga tinanggap na ulat na may mga dayuhan ang nakakuha ng nasabing dokumento sa pamamagitan ng pagsusumite ng mga pekeng dokumento, tulad ng marriage at birth certificates.

Umaabot sa mahigit 60,000 dayuhang may immigrant at non-immigrant Visas ang kailangang kumuha ng I-Card bilang patunay na lehitimo ang kanilang pamamalagi sa Pilipinas.

Show comments