Black Saturday bilang holiday pinag-aaralan
MANILA, Philippines - Kasalukuyang pinag-aaralan ng Malacanang kung idedeklara na ring pista opisyal o holiday ang Sabado de Gloria o Black Saturday sa Abril 23.
Ipinahiwatig ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte sa isang panayam sa radyo na maaaring may ipahayag ang pamahalaan sa naturang usapin sa loob ng susunod na linggo.
“Tinanong ko ang tanggapan ni Executive Secretary Paquito Ochoa kung idedeklara ng Palasyo ang Abril 23 bilang pista opisyal, Sabi nila, pinag-aaralan pa nila. May panukala raw na ideklara yang isang holiday,” sabi pa ni Valte.
Ang Sabado de Gloria ay naiipit sa Biyernes Santo at Linggo ng Pagkabuhay.
Sa ilalim ng Proclamation 84 na nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III noong Disyembre 2010, idinedeklarang holiday ang Huwebes Santo at Biyernes Santo. Hindi kasama ang Sabado de Gloria.
Ilang Pilipino ang nagtatanong kung magiging holiday din ang Black Saturday dahil nagplano sila ng bakasyon ngayong panahon ng Semana Santa hanggang sa Easter Sunday.
Pinayuhan naman ni Valte ang mamamayan na mag-ingat sa mga pagbibiyahe katulad ng pag-iingat ng contact number para sa emergency assistance.
Hinikayat din niya ang mga Pilipino na, ngayong Semana Santa, pagnilayan ang maaari nilang maiambag sa bansa.
“Maglaan tayo ng panahon sa ating mga mahal sa buhay at sa pagninilay sa kung paano tayo makakaambag sa ikakabuti ng bansa,” sabi pa ni Valte.
- Latest
- Trending