Preso nababaliw sa loob ng selda
MANILA, Philippines - Patuloy umano ang pagdami ng mga preso sa iba’t ibang kulungan sa bansa na nasisiraan ng ulo sa loob ng mga kulungan sa mga lalawigan at maging sa kalakhang Maynila bunga ng droga at pambubugbog.
Ito naman ang nagbunsod sa Department of Justice at sa Commission on Human Rights upang alamin ang sistema ng pamamahala matapos na makatanggap ng ilang impormasyon ang ilang opisyal ng pamahalaan.
Nabatid na itinuturong dahilan ay ang talamak sa pamamayagpag ng iligal na droga sa loob ng mga selda, idagdag pa ang kalupitan ng mga pulis at prison guards sa mga preso. Kabilang sa gawaing ito ang sa National Penitentiary o Bureau of Correction sa Muntinlupa at ilang city at provincial jail sa buong bansa.
Magugunitang si dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief and undersecretary, Director General Dionisio Santiago ay napabalitang inaalis bilang direktor ng National Bilibid Prison dahil sa pagpupumilit nitong ilantad at wasakin ang illegal drug syndicates sa mga piitan ng Muntinlupa.
Kamakailan ay kumilos ang CHR-Bicol at sangguniang panlalawigan ng Sorsogon hinggil sa report na sinasabing may 10 preso na ang kinailangan ihiwalay ng mga awtoridad sa Sorsogon Provincial Jail dahil sa pagkawasak ng kanilang katinuan.
- Latest
- Trending