MANILA, Philippines - Umaabot sa 40 mga empleyado ng konseho ng Maynila ang nabiyayaan ng turok laban sa cervical cancer sa paglulunsad ng Manila’s Big Fight na pinangunahan ni Manila Vice Mayor Isko Moreno.
Ayon kay Moreno, mahalagang mamonitor ang kalusugan ng mga kababaihan at lalaki na maaring maapektuhan ng nasabing sakit.
Aniya, isa na ito sa mga kampanya ng lungsod ng Maynila laban sa ikalawang nakamamatay na sakit kasunod ng breast cancer.
Dahil dito, tiniyak din ni Moreno na magkakaroon sila ng adjustment sa budget kung saan paglalaanan nila ng pondo ang vaccination ng mga empleyado ng city council laban sa naturang sakit.
Hinikayat din nito ang iba pang departamento na makiisa upang mas maging makabuluhan at maayos ang kalusugan ng bawat Filipino.
Kabilang sa mga dumalo sa paglulunsad sina Councilors Irma Alfonso,1st; Dr. J. Buenventura, 2nd; Re Fugoso, 3rd; Honey Lacuna-Pangan at Jo Quintos, 4th; Jo Dawis at Josie Siscar, 5th; Beth Rivera, 6th at Eunice Castro, SK President.