MANILA, Philippines - Magdudulot umano ng “psychological problem” sa bata ang dalawang oras na panonood ng telebisyon at paglalaro sa computer.
Ayon kay Psychology Prof. Dra. Angie Page, ang sobrang panonood ng TV at paglalaro ng computer ng higit sa dalawang oras ay masama sa isang batang 11-anyos pababa.
Ayon kay Dra. Page, naikikintal sa murang isipan ng isang bata ang anumang nakikita sa TV at paglalaro ng computer, na kadalasan ay ginagaya pa nito.
Ang mga batang sobra ang panonood ng TV at paglalaro ng computer ay bigla na lamang tatamarin sa pag-aaral at unti-unting bumababa ang kanilang dating mataas na grade at kapag napabayaan ay tuluyang babagsak sa klase.
Natututo rin umanong magsinungaling, sumagot ng pabalang at iba pang “bad attitude” o masamang pag-uugali ang isang batang hindi nababantayan ng kanyang mga magulang.
Bunsod nito ay pinapayuhan ng doktora ang mga magulang na masusing bantayan at gabayan ang kanilang mga anak para mapanatiling aktibo sa klase at hindi magkaroon ng problema, lalo na ang pakikisalamuha sa kapwa.