MANILA, Philippines - Maaari nang makulong ang isang taxi driver sa sandaling tumanggi itong isakay ang isang senior citizen.
Sinabi ni Agham Party list Rep. Angelo Palmones sa ilalim ng House Resolution 1052, tumatanggi ang mga taxi driver na magsakay ng senior citizen dahil sa 20 porsiyentong discount na ipinagkakaloob sa mga ito na nakasaad sa ilalim ng Senior Citizens Act 7432.
Giit ni Palmones, dapat ng mahinto at sa lalong madaling panahon ay maitama ang ganitong sistema dahil malinaw umano na paglabag ito sa RA 7432 at sa karapatan ng mga senior citizens na isinasaad sa batas.
Pinaiimbestigahan din ng mambabatas sa House Committee on Transportation ang ganitong gawain ng ibang transport sector.
Sa ilalim ng Republic Act 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act 2010 na inamyendahan ng RA 7432, ang lahat ng senior citizen ay entitled sa 20% discount mula sa public utility buses (PUBs), public utility jeepneys (PUJs), taxis, Asian utility vehicles (AUVs), shuttle services at public railways, kabilang dito ang Light Rail Transit (LRT), Mass Rail Transit (MRT) at ang Philippine National Railways (PNR).
Sa ilalim ng RA 994, ang mga lalabag dito ay may magmumulta ng P100,000 at maaring makulong ng hanggang dalawang taon o hindi hihigit sa anim na taon samantalang ang mga senior citizens naman na lalabag sa kanilang mga pribilehiyo ay nahaharap din sa multa na hindi hihigit sa P100,000 at pagkakakulong ng hindi hihigit sa anim na buwan.