MANILA, Philippines - Ipinahiwatig kahapon ni Pangulong Aquino na umaasa siyang kakampihan ng Amerika at Japan ang Pilipinas kung magkakaroon ng banta sa seguridad at soberenya ng bansa.
Sa kaniyang talumpati sa Araw ng Kagitingan sa Bataan, sinabi ng Pangulo na maituturing na pinaka-kaibigan ng Pilipinas ang Amerika at Japan.
Sinabi ng Pangulo, napatunayan na sa mga nakaraan na maaaring asahan ng gobyerno ang Japan at Amerika sakaling magkaroon ng banta sa seguridad ng Pilipinas.
Bagaman at nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang Pilipinas, Amerika at Japan tatlong henerasyon na ang nakakaraan pero pinatunayan na mabuting kaibigan ang dalawang nabanggit na bansa.
Ang Japan umano ang naging katuwang ng Pilipinas sa pagpapa-unlad ng ekonomiya habang ang Amerika naman ang nagkaloob ng kinakailangang teknolohiya tuwing may kalamidad.
Samantala, inihayag naman ni U.S. Ambassador Harry Thomas Jr. na dumalo rin sa okasyon na maituturing na “unprecedented” ang ibinibigay na tulong ng Amerika sa Pilipinas sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Sinabi ni Thomas na ang kampanya ng Pangulo sa paglaban sa korapsyon ang lalong nagpapatatag sa relasyon ng Amerika at Pilipinas.
“Ang ating kapatiran at pagkakaibigan ay walang kapantay,” sabi ni Thomas.
Tiniyak naman ni Japan Ambassador Makoto Katsura na patuloy ang suportang ibibigay ng kaniyang bansa sa Pilipinas.