Milyones ng mga Ligot, ibinalik ng US sa Pinas
MANILA, Philippines - Isinauli na ni US Ambassador Harry Thomas Jr. sa Department of Justice (DoJ) ang narekober na $132,000 o P5.6 million ng US government mula kay Mrs. Erlinda Ligot, asawa ng kontrobersiyal na si dating AFP comptroller Lt. Gen. Jacinto Ligot.
Mismong si Thomas ang nagtungo sa tanggapan ni Justice Sec. Leila de Lima para isauli ang forfeited fund sa Philippine government.
Una nang hiniling ng Pilipinas sa Amerika na maibalik ang pera na sinasabing bahagi ng kinamkam na pondo ng dating military official.
Kahapon, binigyan ng hanggang sa susunod na linggo ng DoJ ang mag-asawang Ligot para makapagsumite ng counter affidavit kaugnay sa P428 million tax evasion case na isinampa ng Bureau of Internal Revenue laban sa kanila.
Ayon kay panel of investigators head Assistant State Prosecutor Stewart Mariano, kapag hindi nakapagsumite ng kontra salaysay ang mag-asawang Ligot hanggang April 18 ay ireresolba na ang kaso base sa mga ebidensiya na hawak ng BIR.
Sinasabing nabigo ang mga Ligot sa pagbabayad ng tamang buwis sa gobyerno mula taong 2001 hanggang 2004 kung saan tinatayang P428 million ang aggregate tax liabilities ng mga ito.
Nabanggit din ng BIR ang kabiguan ng mga respondents sa pagbayad ng income tax sa kabila ng bank deposits, ari-arian sa Rizal province, mga mamahaling sasakyan at condominium unit sa Makati City at California. (Doris Franche/Ludy Bermudo/Ellen Fernando)
- Latest
- Trending