'Garci II' pigilin sa Taguig
MANILA, Philippines - Nangangamba ang kampo ni Mayor Lani Cayetano ng Taguig sa posibleng manipulasyon ng muling pagbibilang ng mga balota sa nakaraang eleksyon kasabay ng pagtatanggol sa naging hakbang nito para maghain ng motion to inhibit sa Commission on Elections (Comelec) laban kay Commissioner Elias Yusoph at Atty. Teopisto Elnas ng Election and Baranggay Affairs Department (EBAD).
Si Commissioner Yusoph ng Comelec 2nd Division ang nagpalabas ng kautusan para ilipat ang mga balota ng Taguig mula sa Taguig Auditorium ay dalhin sa Comelec warehouse sa Philpost at inatasan naman nito si Elnas na siyang mangasiwa sa pagkolekta ng mga balota.
Ayon kay Atty. Bernabe Icay, tagapagsalita ng alkalde, na kung titignan ang kasaysayan ng ating eleksyon partikular ang kontrobersiyal na “Hello Garci” ay masasabing mayroong basehan ang kanilang pangamba.
Aniya, si Elnas umano ang siyang tinuturong operator noon ng kontrobersiyal na si Comelec Commissioner Virgilio Garcilliano para maisagawa ang sinasabing dayaan noong 2004 election. Ani Icay, sa lumabas na taped conversation sa Hello Garci scandal ay ilang beses umanong nabanggit ang pangalan ni Elnas gayundin sa naging testimonya ng mga testigo sa kaso na sina Michaelangelo Zuce at retired Brig. Gen Francisco Gudani.
Matatandaan na si Comelec Chairman Sixto Brillantes ay una nang nagsabi na mag-iinhibit ito sakaling umabot sa kanyang tanggapan ang poll protest ng Taguig dahil na rin sa dati nitong kliyente ang kalaban ni Cayetano na si dating SC Justice Dante Tinga. Gayunpaman sinabi ni Icay na bagamat nag-inhibit ay nanatili naman ang “kamay” ni Brillantes sa kaso dahil malapit umano si Elnas at Yusoph dito.
Iginiit pa ni Icay na hindi masisi kung mayroong ngayong pangamba ang mga Cayetano dahil mayroon umanong batayan para gawin ang masamang balak sa kanilang kaso.
“Number 44 ang kaso ng Taguig ngunit inuuna ng Comelec. Ang mga ballot boxes nung nauna nang kaso hindi kinukuha, “awaiting space sa wharehouse” daw, ngunit yung sa Taguig na malayo pa sa priority list may available space raw,” pahayag pa ni Icay.
Idinagdag pa ni Icay na ang hangad lamang ng kanilang kampo ay patas na laban sa Comelec, hindi umano maitatanggi na ang nangyari sa Taguig na nanalo si Cayetano mula sa pader ng mga Tinga ay kahalintulad umano sa naging pagkapanalo noon nina dating Isabela governor Grace Padaca at dating Pampanga governor Ed Panlilio na hindi natanggap ng kanilang mga kalaban ang pagkapanalo na nangyayari ngayon sa Taguig.
- Latest
- Trending