Sabwatang drug syndicate-NAIA siyasatin!

MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan na ng isang Kongresista ang umano’y sabwatan ng mga drug syndicate at airport authorities kaya nakakalusot palabas ng Pilipinas ang mga drug mule.

Ayon kay Gabriela Party list Rep. Emmi de Jesus, dapat na busisiin ang nasabing anggulo dahil imposible umanong nakakalabas ng bansa ang mga nasasangkot sa drug trafficking lalo na at kilo-kilo ang dala nilang mga illegal na droga.

Bukod dito nagtataka din ang Kongresista dahil sumentro lamang sa paghahabol sa mga illegal recruiter ang mga awtoridad gayung dapat ding papanagutin ang mga drug syndicate at mga kasabwat nito sa bansa.

Pinalagan din ni De Jesus ang pahayag ng grupong Federated Association of Manpower Exporters Inc. na pang-iinsulto para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na ihanay sa kanila sina Sally Villanueva, Ramon Credo at Elizabeth Batain sapagkat biktima lamang umano ng pagkakataon ang mga ito.

Magugunita na nag­hain din ng House Bill 4503 o Anti-Drug Mule bill si Marikina Rep. Romero Quimbo na nagbibigay kaparusahan sa mga mapapatunayang drug mule o gumagamit ng tao upang makapagbitbit ng illegal na droga upang dalhin mula Pilipinas patungong ibang bansa.

Sa sandaling maipasa ang nasabing batas, ang sinumang tao na gagagamit o magtatangkang gumamit at makipagsabwatan sa iba pang tao upang gamiting drug mule ay maaring maparusahan ng habambuhay na pagkakabilanggo at penalty mula P5 milyon hanggang P25 milyon.

Show comments