MANILA, Philippines - Nanawagan sa pamahalaan ang pamilya ng 35-anyos na Pinoy na nahatulan ng “death penalty without reprieve” sa China dahil sa pagpupuslit ng may mahigit 1 kilo ng heroine na tulungan ang kanilang kaanak upang masagip sa takdang pagbitay dito.
Nangangamba ang pamilya ng nasabing Pinoy na isunod itong bitayin ng China matapos ang ginawang execution sa tatlong Pinoy na sina Ramon Credo, Sally Villanueva at Ellizabeth Batain kamakalawa.
Nangako naman ang Department of Foreign Affairs (DFA) na gagawin nila ang lahat upang matulungan ang naturang Pinoy. Ayon kay spokesman Ed Malaya, kumikilos na ang DFA, Konsulado ng Pilipinas sa Guangzhou at Palasyo upang hilingin sa China People’s High Court at kay Chinese President Hu Jintao na mabigyan ito ng clemency.
Nilinaw ni Malaya na isa lang na Pinoy ang nakatakdang bitayin sa China dahil ang 73 pa na kamakailan ay nahatulan ng bitay ay nakakuha ng 2 years reprieve o pagpapaliban ng execution.
Sa batas ng China, ang mga napatawan ng 2 taong reprieve ay may pagkakataon na mapababa sa habambuhay na pagkabilanggo ang kanilang sentensya kapag nagpakita ng magandang asal sa loob ng bilangguan.
Nauna nang naitala ng DFA na 76 Pinoy ang nasa death row, pero apat lamang dito ang walang nakuhang reprieve kabilang na sina Credo, Villanueva at Batain at ang nabanggit na Pinoy.
Samantala, ngayon araw ang takdang pagtungo ni Vice President Jejomar Binay sa Saudi Arabia na pangunahing misyon ay sagipin ang 8 pang Pinoy na nasa death row.