MANILA, Philippines - Dahil sa magkakasunod na araw na aberya sa Light Rail Transit (LRT) line 1 ngayong linggo kung saan may mga pasahero ang nasaktan, iminungkahi ng isang mambabatas na dapat na mapagkalooban ng insurance ang mga sumasakay dito.
Ayon kay A-TEacher party list Rep. Julieta Cortuna, hindi napabilang sa priority bills ang “insurance for railway passengers act (IRPA),” kaya didiretso na umano ang mga kongresistang nagsusulong nito kay Pangulong Noynoy Aquino.
Layon ng nasabing panukala na magkaloob ng dagdag proteksyon at serbisyo para sa mga pasahero na sumasakay sa LRT at MRT.
Magugunita na noong Lunes, apat na pasahero ang nasaktan nang mag-panic ang mga mananakay dahil umusok ang tren ng LRT habang kamakalawa ay nagkaroon din ng system glitch sa LRT-1.
Kahapon ay iniulat din ng pamunuan ng LRT na nagkaroon ng malfunction ang kanilang tren na nagdulot ng ilang minutong delay sa biyahe ng mga pasahero nito.