MANILA, Philippines - Naungusan na ni Vice President Jejomar Binay si Pangulong Noynoy Aquino sa pinakahuling survey ng Pulse Asia sa pinaka pinagkakatiwalaang mga opisyal sa bansa.
Lumilitaw na mas marami ang patuloy na nagtitiwala kay Binay na nakakuha ng 83 percent performance rating at 81% trust rating kumpara sa 74% performance rating at 75% trust rating ni Pangulong Aquino.
Ang survey ay isinagawa ng Pulse Asia nitong Feb. 24 hanggang Marso 6, 2011 mula sa 1,200 respondents.
Naging positibo ang pagtingin ng taumbayan sa ginawang hakbang ni VP Binay ng matagumpay nitong hilingin sa Chinese government na ipagpaliban ang pagbitay sa 3 Pinoy na may kasong drugs.
Si House Speaker Feliciano Belmonte naman ang nakapagtala ng pinakamataas na rate mula sa hanay ng mga naging Speaker ng Kamara sa 50% nitong approval rate.
Si Senate President Juan Ponce Enrile ay nakakuha naman ng 56 % trust rating.