Alegasyon ng BSP sa Banco Filipino itinanggi
MANILA, Philippines - Mariing pinabulaanan ng Banco Filipino (BF) ang alegasyon ng Banko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nalulugi sila kaya nagdeklara sila ng bank holiday.
Sinabi ni BF legal counsel Perfecto Yasay sa pagdinig ng House of Representatives Committee on banks and financial inter-mediate na pinamumunuan ni Rep. Sergio Apostol na lumang figures na ang hawak ng Banko Sentral sa insolvency na ibinase lamang ng appraisers sa known value at hindi sa market value.
Iginiit pa ni Yasay na walang due process na ginawa sa kanila ng BSP dahil sa mismong araw na isinumite ang finding sa monetary board ay agad silang ipinasara nang araw ding iyon ng Huwebes. agad nilang kinuwestiyon sa Court of Appeals (CA) ang legalidad sa biglaang pagpapasara dito.
Nakapagtataka din anya kung bakit kailangan pang kumuha ng BSP ng mamahaling law firm at gumastos ng malaki para humawak ng kanilang kaso gayong mayroon namang Office of the Solicitor General na dapat gumampan ng nasabing trabaho.
Bagamat pinapayagan naman umano sa ilalim ng New Central Bank Act na kumuha ang BSP ng pribadong law firm na magtatanggol sa kanila, nagdududa naman si Yasay kung dumaan sa public bidding ang pagkuha ng BSP sa serbisyo ng The Firm bilang pagsunod sa itinatakda ng Procurement Law.
Nakalulungkot umanong isipin na kinakailangan pang gumastos ng malaki ng BSP at sayangin ang buwis na ibinabayad ng mamamayan para lamang tustusan ang iligal at hindi makatwirang panggigipit sa Banco Filipino.
- Latest
- Trending