MANILA, Philippines - Muling tiniyak ng Department of Science and Technology (DOST) na ligtas ang Pilipinas mula sa pinangangambahang radiation leak mula sa sumabog na nuclear plant sa Japan sa susunod na 7 araw.
Itinanggi rin kahapon ng DOST ang ulat na posibleng tumama sa Pilipinas ang hangin na maaaring may taglay na radiation dahil sa patungong Hawaii, USA ang hangin na nagmumula sa Japan.
Ipinaliwanag ni Secretary Mario Montejo na ang direksyon ng hangin buhat Japan ay papunta ng East Pacific o tinutumbok ang Honolulu, Hawaii at magtatagal ng mahabang panahon.
Malabo rin umanong umabot sa bansa ang radiation sa pamamagitan ng tubig-dagat dahil ang alon na nagmumula ng Pilipinas ay patulak sa direksyon ng Japan at hindi papasok.
Sinabi rin ni Montejo na halos imposible na makarating sa Pilipinas ang radiation dahil sa dalawang pagputok na naitala sa mga nuclear reactor sa Fukushima Prefecture dahil “minor” na pagputok lamang umano ang mga ito at magkakaroon lamang ng epekto sa lokal na lugar.
Mas binabantayan ng DOST ang magkaroon ng “total meltdown” sa mga pasilidad ng nuclear ng Japan na siyang maaaring magkaroon ng epekto sa mga kapitbahay na bansa.
Ipinaliwanag ni Montejo na ang total meltdown ang pagbabaga ng mga reactor kung saan lulusawin ang metal na core at maging ang containment vessel patungo sa lupa. Kapag nangyari umano ito, tinatayang magiging kritikal ang susunod na 36 oras sa radiation at unti-unti nang malulusaw.
Ipinaliwanag naman ng Philippine Nuclear Institute na nasa alert no. 4 lamang ang Japan matapos na sumabog ang reactor 1,2,3 ng nuke plant sa Fukushima kumpara sa alert no. 7 na nangyari sa Chernobyl nuke plant sa Russia noong 1986.
Nakiusap naman ang DOST sa mga nagkakalat ng maling balita sa pamamagitan ng text. Sinabi nito na mismong ang ilang lugar sa Japan na hindi gaanong apektado ng lindol, tsunami at pagsabog ng mga reactor ay hindi nagkansela ng mga klase sa paaaralan kaya walang dahilan para magkansela dito sa Pilipinas.
Sakali umanong makaabot nga sa bansa ang radiation, kaagad na magbibigay ng abiso ang DOH at DOST sa publiko na manatili sa kanilang mga tahanan bago pa tumama sa bansa. (Danilo Garcia/Rudy Andal)