MANILA, Philippines - Iniutos ni Pangulong Aquino sa National Security Council at Science agencies na tutukan ang development ng posibleng nuclear facility meltdown sa Japan kasunod ng pagtama ng malakas na lindol dito.
Ayon kay Deputy presidential Spokesperson Abigail Valte, inatasan na ng Presidente ang Philippine Nuclear Research Center at Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration na i-monitor ang sitwasyon sa Fukushima Daiichi nuclear power plant at pag-aralan ang posibleng epekto sa Pilipinas sakaling lumala ang sitwasyon.
Samantala, pinawi naman ni Department of Science and Technology (DOST) Sec. Mario Montejo ang pangamba sa epekto sa bansa, sakaling magkaroon ng nuclear meltdown sa Japan.
Ayon sa kalihim, batay aniya sa “wind pattern” sa susunod na tatlong araw, palayo umano sa Pilipinas ang ihip ng hangin kaya’t kahit magkaroon man ng malawakang nuclear radiation, maituturing na ligtas pa rin umano ang bansa.
Kasabay nito, nagtalaga na rin umano ang DOST ng kanilang monitoring team na siyang nakatutok sa mga sitwasyon sa Fukushima.
Sa pinakahuling impormasyon mula kay Japan Chief Cabinet Secretary Yukio Edano, inamin nito na nagkakaroon na umano ng “deforming” ang mga fuel rods sa Fukushima Daiichi No. 3 reactor na posibleng magdulot ng pagsabog.
Magugunita na nagkaroon ng malakas na pagsabog sa No. 1 nuclear plant na sinalanta ng tsunami kung saan ay pinalikas na ang mga residente dito.