MANILA, Philippines - May 1,309 Pinoy na kasalukuyang nakatira sa Sendai City na sentro ng 8.9 magnitude lindol at tsunami sa Japan ang nawawala at hindi makontak.
Inamin kahapon ng Embahada ng Pilipinas sa Tokyo at Konsulado sa Osaka sa Department of Foreign Affairs na hirap sila ngayon na tuntunin ang may mahigit isang libong Pinoy na nasa Miyagi prefecture, ang lokasyon ng Sendai City na tinamaan ng lindol at tsunami.
Hanggang kahapon ay wala pang natatanggap na ulat ang Embahada kung may Pinoy na kasama sa mga nasaktan o nasugatan sa lindol.
Pinangangambahan naman na kasamang natangay sa matinding agos ang mga mamamayan sa northeastern Japan matapos ang kagimbal gimbal na lindol na sinundan ng tsunami.
Base sa ulat, umaabot na sa 1,000 ang bilang ng mga namatay sa lindol at tsunami habang libo pa ang nawawala.
Samantala, pinalilikas na ni Japanese Prime Minister Naoto Kan ang may 3,000 mamamayan sa paligid ng Fukushima-Daiichi nuclear plant matapos ang inaasahang pagsabog nito at pagtagas ng planta.
Nabatid na umaabot na sa 1,000 porsyento ang radiation level ng planta na delikado sa kalusugan at buhay ng mga makakalanghap nito.
Napaulat na isang pagsabog ang sumira sa bubungan ng isang nuclear reactor sa Tokyo kahapon kaya lalong tumindi ang pangamba sa meltdown sa planta na nasira sa lindol. Dahil dito, pinalawak ng mga awtoridad ang evacuation area sa paligid ng napinsalang planta.
Kinumpirma ni Japanese Chief Cabinet Secretary Yukio Edano na may naganap na pagsabog at radiation leakage sa Tokyo Electric Power Co’s (TEPCO) Fukushima Daiichi nuclear power plant.
Naunang napaulat ang pagsabohg sa Daichi 1 reactor at napanood sa TV ang vapor o usok na pumapailanlang mula sa planta.
Naganap ang pagsabog habang sinisikap ng TEPCO na mabawasan ang pressure sa core ng reactor na kung hindi masasawata ay makapagdudulot ng pagpapakawala ng radiation sa atmosphere.
Sinasabi sa ulat ng NHK Television at Jiji na nasira rin ang panlabas na istruktura ng gusaling kinalalagyan ng reactor na ibig sabihin ay nabutasan na ang containment building.
Ipinanawagan ang evacuatiom dahil bubuksan ang valve ng mga container na kinalalagyan ng reactor para maipalabas ang umiinit na pressure.