MANILA, Philippines - Hinimok ni Cagayan Valley first district Rep. Jack C. Ponce Enrile ang pamahalaan na magpatupad ng mga programa upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin nang sa gayon ay mapawi ang pangamba na mahaharap ang bansa sa matinding “food crisis.”
Ginawa ng beteranong mambabatas ang panawagan kasunod ng pagtaas sa presyo ng mga delata, gatas, mantika at loaf bread, na epekto naman ng sunud-sunod na pagtaas din sa presyo ng produktong petrolyo dahil sa political strife sa Middle east at North Africa.
“We cannot dilly-dally anymore as the situation continues to deteriorate by the day,” wika ni Enrile.
Nanawagan din si Enrile, na pangunahing nagsusulong ng food sovereignty sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, sa mga manufacturers at traders na huwag magsamantala sa kanilang mga produkto nang sa gayon ay hindi masdlak sa mas matinding kahirapan ang mga consumer na silang higit na apektado ng kasalukuyang sitwasyon.
Idinagdag pa ng batang Enrile na hindi gaanong problema ang supply at produksyon, bagkus ay ang tumataas na gastos upang makarating ang mga produkto sa mga pamilihan para sa konsumo ng mga mamimili.
Nagbabala pa ang Cagayan solon na kung hindi gagawa ang pamahalaan ng kaukulang aksyon upang matugunan ang suliranin, maaring patuloy na tumaas ang pangunahing bilihin at maapektuhan ang ordinaryong mamamayan.