MANILA, Philippines - Mismong kaalyado ni Pangulong Aquino ang nanawagan na magsakripisyo rin ang pamahalaan at babaan o bawasan ang 12% Value Added Tax sa mga produktong petrolyo dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo nito sa world market.
Ayon kay Senador Ralph Recto, kung ibaba ang 12% VAT sa langis ay tiyak na bababa rin ang pump price nito.
Naniniwala si Recto na hindi lamang ang mga kompanya ng langis ang kumikita sa sobrang tinatawag na “windfall profits” dahil sa kasalukuyang sitwasyon kundi maging ang gobyerno dahil lumalaki ang buwis na kinokolekta dahil sa VAT.
Maari rin aniyang gamitin ng gobyerno ang VAT wildfall upang i-subsidize ang price rollback sa diesel na ginagamit ng mga public utility vehicles.
Ayon kay Recto nasa P3 per liter ang itinaas ng presyo ng diesel simula noong nakaraang linggo at maaaring gamitin ang VAT proceeds sa pag-subsidize sa isang price rollback.
Sa ngayon umano ang gasolina ay P5.25 per liter ang itinaas habang ang diesel prices ay P5.00 per liter sa Metro Manila.
Ang pump prices sa Visayas at Mindanao ay mataas ng P5.00 to P8.00 per liter kumpara sa Metro Manila.