MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ni Senate President Juan Ponce Enrile na magiging patas at bibigyan ng due process si Ombudsman Merciditas Gutierrez sa sandaling isampa ang impeachment complaint nito sa Senado.
“We will do what we have to do as senators of the Republic under our oath to do justice to people who will come to us,” pahayag ni Sen. Enrile matapos pagbotohan sa House committee on justice ang resolusyon na nakakita ng probable case upang ma-impeach ang Ombudsman.
Ang Senado ang magiging impeachment court at didinig ng reklamo laban kay Gutierrez sa sandaling makalusot ito sa House of Representatives.
Ayon kay Enrile, muli nilang ire-review ang impeachment rules na gagamitin sa pagdinig ng reklamo.
Siniguro naman ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III na mayroon nang existing rules ukol sa impeachment proceedings.
Naniniwala naman si Sen. Joker Arroyo na hindi na mauulit ang nangyaring walkout ng mga prosecutors katulad ng nangyari noong dinggin ang impeachment complaint laban kay dating Pangulong Joseph Estrada.