MANILA, Philippines - Inalerto na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Embahada at Konsulado ng Pilipinas sa Saudi Arabia upang imonitor ang kalagayan ng may 1.2 milyon Pinoy na nakaambang mawalan ng trabaho dahil sa nagaganap na mga kilos-protesta sa nasabing bansa.
Nabatid na apektado na rin ang Saudi Arabia sa sunud-sunod na mga demonstrasyon sa Egypt, Libya, Bahrain, Yemen, Tunisia, Algeria at iba pang mga bansa sa Middle East.
Sa Biyernes (Marso 11), isang malaking kilos-protesta ang isasagawa ng mga anti-government groups na posibleng mauwi sa karahasan kaya pinapayuhan na ng DFA at Embahada ang mga OFWs na umiwas sa mga lugar na pagdadausan ng rally. Bukod dito, isa pang malaking kilos-protesta ang itinakda sa Saudi sa Marso 20 na inaasahang dadagsain ng milyong katao.
Tulad ng Egypt, Libya, Bahrain, Yemen at Tunisia na may libu-libong Pinoy, nais din ng mga protesters sa Saudi ang pagbabago o reporma sa kanilang gobyerno. Hinihiling din ng Saudi minority local political dissenters na mapalaya ang may 15 Shiite leaders na nakakulong sa Saudi jail.
Sinabi ni Foreign Affairs Usec. Rafael Seguis na handa ang pamahalaan sa contingency plans sakaling sumiklab ang kaguluhan sa Saudi. Nakikipag-ugnayan na rin ang Embahada at Filipino community dito para sa pagpapatala ng mga pangalan ng mga Pinoy at kung lumalala ang sitwasyon ay agad na maisasagawa ang paglilikas.
Sa Libya, nakagastos na ang pamahalaan ng P312 milyon mula sa P525 milyon inilaan ng gobyerno mula sa Overseas Workers Welfare Administration at DFA. Mula sa nasabing gastos ay may 5,000 pa lamang na Pinoy ang nakakauwi at habang mahigit 12,000 Pinoy na ang nakalabas sa Libya at papauwi na sa Pilipinas.
Kapag gumulo ang sitwasyon sa Saudi ay hindi malaman ng gobyerno kung saan kukunin ang repatriation para sa may 1.2 milyong Pinoy na nakaambang nawalan ng trabaho.