FORT DEL PILAR, Baguio City, Philippines - Hinimok ni Pangulong Aquino ang miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Laon-Alab graduating class ng 2011 na huwag nilang tutularan ang mga heneral na nagkaroon ng ‘amnesia’ matapos masangkot sa mga katiwalian.
Sinabi ni Pangulong Aquino na isabuhay ng mga nagtapos na kadete ang mga natutunan nila sa PMA partikular ang integrity, loyalty at courage ngayong sila ay magiging junior officers ng AFP.
Iginawad ni Pangulong Aquino ang presidential saber sa valedictorian ng PMA Class 2011 na si Angelo Edward Parras na magiging miyembro ng Philippine Navy.
Hinikayat din ng Pangulo ang mga bagong graduates ng PMA na huwag magpapasilaw sa pera kahit na sila ay tambakan ng isang trak na pera bagkus ay maging tapat sa kanilang tungkulin na sinumpaan at huwag kakalimutan ang mga natutunan nito sa PMA.
Siniguro din ni PNoy na walang sisinuhin ang kanyang administrasyon at titiyaking mapaparusahan ang sinumang mapapatunayang sangkot sa mga anomalya ng pagnanakaw sa pondo ng AFP.
Nangako naman ang PMA graduates sa pangunguna ni Parras sa kanyang valedictory speech na magiging tapat sila sa kanilang tungkulin at isasabuhay ang natutunan nila sa academy.
Naghandog din ang Pangulo ng pananghalian sa mga PMA graduates kasama ang kanilang mga magulang sa The Mansion House.
May kabuuang 196 graduates ang PMA Class 2011 kung saan ay nanguna si Parras na mula sa Apalit, Pampanga at produkto ng Assumpta Technical High School sa San Simon, Pampanga na pinamamahalaan ng mga Assumption Sisters.