WW2 bombs 'pinasabog' ni PNoy
MANILA, Philippines - Mismong si Pangulong Aquino ang nanguna kahapon sa pagpapasabog ng huling batch ng mga bombang nakuha sa Caraballo Island na hindi nagamit noon pang World War II sa Crow Valley Range sa Capas, Tarlac.
Halos nasa 1.6 kilometro ang layo ng Pangulo sa lugar kung nasaan ang mga pinasabog na bomba na ginamitan ng button triggering device.
Ang pagpapasabog ay sinaksihan ni US Ambassador to the Philippines Harry Thomas Jr.
Aabot umano sa 400,000 lbs. ang vintage explosives na pinasabog ng Pangulo.
Ayon sa Pangulo, personal niyang hiniling kay US President Barack Obama na ma-dispose ang naturang mga bomba noong magtungo siya sa Amerika.
Sobrang delikado aniya ang mga nasabing bomba kung aksidenteng made-detonate na siguradong lilikha ng malaking pinsala.
Naniniwala rin ang Pangulo na ito na ang pinakamalaking bulto ng explosives na naiwan ng World War II.
Ayon sa Philippine Navy, maaring makaapekto sa mga residenteng nasa 32-km radius kung aksidenteng sasabog ang mga nasabing bomba.
Ang pagpapasabog ng mga bomba ay hudyat ng pagtatapos ng Joint Explosive Ordnance Disposal exercise sa pagitan ng Pilipinas at Amerika na pinamunuan ng Naval Special Operations Group.
- Latest
- Trending