MANILA, Philippines - Isang restaurant supervisor na Pilipino at dalawang dayuhan ang inatasang sama-samang magbayad ng 200,000 Dirhams (P2.37 milyon) makaraang mamatay sa pagkaing may lason ang dalawang bata sa United Arab Emirates noong 2009.
Inatasan din ng Dubai Misdemeanir Court ang 34 anyos na Filipino supervisor at dalawa pang tao, isang 46 anyos na babaeng doktorang Iraqi at isang 25 anyos na kusinerong Nepalese, na magbayad pa ng tig-10,000 Dirhams (P119,000) sa mga magulang ng biktima.
Kinilala sa isang report ng Khaleej Times ang mga biktimang magkapatid na French-Indian na sina Nathan, 5, at Chelsea D’Souza, 7.
Namatay si Nathan noong Hunyo 13, 2009 habang nalagutan ng hininga kinabukasan ang kapatid niyang babae.
Sinasabi sa ulat ng Khaleej Times na ang hatol ng korte ay batay sa resulta ng imbestigasyon ng Higher Medical Committee ng ABU Dhabi.
Namatay ang magkapatid nang malason sa pagkaing idineliver sa kanilang bahay ng isang Chinese restaurant sa Al Qusais.
Dahil dito, kinasuhan ang kusinero at ang superbisor dahil sa paglabag sa public health requirements ng Dubai municipality.
Kinasuhan naman ang duktor ng pagpapabaya sa pagbibigay ng medical care sa mga bata nang ipasok ang mga ito sa ospital matapos malason sa pagkain.