Sa paglilikas sa mga Pinoy sa Libya, DFA, DOLE nagkukumahog na
MANILA, Philippines - Doble kayod ngayon ang Department of Foreign Affairs, Embahada at Department of Labor and Employment sa paglilikas ng mga Pinoy sa Libya dahil sa mas tumitinding sagupaan sa mga pangunahing lungsod sa nasabing bansa.
Sinabi ng DFA na target nilang mailikas lahat ang mga Pinoy sa Libya hanggang Sabado bago tuluyang sumiklab ang giyera sa nasabing bansa.
Sa huling report ng DFA, umaabot na sa 11,045 Pinoy ang nakalabas na ng Libya at 1,625 dito ay nakauwi na sa Pilipinas.
Matapos na makapaghatid ng may 1,290 Pinoy mula Benghazi sa Crete ay bumalik ang barkong MV Ionian Queen sa Tripoli upang magkarga ng mga nag-aantabay na Pinoy na nagsilikas sa pinakamagulong lungsod ng Libya.
Ayon naman sa Embahada sa Cairo, nakikipagtulungan na sila sa International Organization for Migration (IOM) para sa pagsasaayos ng mga booking flights ng mga Pinoy na inabandona ng kani-kanilang mga employers.
Base sa report, nagsagawa ng air strike ang Libyan military at naghulog ng tatlong bomba sa al-Brega, isang bayan sa eastern Libya na may oil refineries na nakubkob ng mga rebeldeng protesters upang mabawi ang kontrol nito.
Kahapon ay muling nag banta si Gadhafi na libu-libo ang mamamatay na Libyans kapag nakialam ang US, NATO at western countries sa nagaganap na kaguluhan sa Libya at lalaban siya hanggang sa huling natitirang tao sa Libya.
- Latest
- Trending