MANILA, Philippines - Pormal nang nagbitiw si Ilocos Sur Congressman Ronald Singson bilang miyembro ng House of Representatives.
Ginawa ni Singson ang hakbang isang linggo pagkaraang sentensyahan siya ng Hong Kong court ng 18 buwang pagkabilanggo dahil sa kasong drug trafficking.
Sinabi ni Singson sa kanyang sulat kay House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na may petsang Pebrero 28, 2011 na nakarating na siya sa “masakit na desisyon” na magbitiw sa kanyang puwesto bilang pagsunod sa marangal na tradisyon ng Kongreso na tiyaking ang mga miyembro nito ay malinis ang mga kamay, kaisipan at puso.
Pinadala ng abogado ni Singson na si John Reading ang sulat mula sa Hong Kong sa tanggapan ni Belmonte na tumanggap nito kahapon ng hapon.
Ipinataw ng Hong Kong Wan Chai District Court ang sentensya sa batang Singson dahil sa pagdadala ng cocaine at valium sa teritoryo ng China.
Inaresto siya noong Hulyo 2010 sa Chek Lap Kok Airport matapos makumpiska sa kanya ng mga awtoridad ang 6.67 gramo ng cocaine.
Samantala magkakaroon ng special elections para sa mababakenteng posisyon ni Rep. Singson na itatakda naman ng Comelec.