^

Bansa

550 nailabas na sa Libya: 15,000 Pinoy ipit pa rin

- Nina Ellen Fernando at Rudy Andal -

MANILA, Philippines - Nasa 15,000 pang OFW’s ang naiipit sa Libya habang 550 naman na manggagawang Filipino ang nailikas kahapon nina DFA Sec. Albert del Rosario at Usec. Esteban Conejos mula sa Libya.

Ayon sa DFA, sinisikap pa rin nina Sec. del Rosario at Usec. Conejos na mailikas ang lahat ng OFW’s na nasa Libya.

Mismong si DFA Sec. Albert del Rosario at Usec. Esteban Conejos ang personal na nagtungo sa Libya upang tumulong sa evacuation ng mga OFW’s.

Sa pulong balitaan sa DFA, inamin ng  DFA na maaaring umabot lamang sa may 5,000 ang kanilang maililikas sa Libya mula sa kabuuang 30,000 bilang ng mga Pinoy na na-trap ngayon sa nasabing bansa.

Mula sa kabuuang bilang, sinabi ni Foreign Affairs Spokesman Ed Malaya na may 13,000 Pinoy na karamihan ay propesyunal ang inaasahang maililikas ng kani-kanilang employer sa Libya habang ang iba ay nasa mga location sites na sa border ng Egypt, Tunisia, Malta at Crete sa Greece.

Ayon kay Malaya, may mga employer na patuloy nagmamatigas at hindi pa rin nila inililikas ang daan-daang Pinoy kaya inaasahan na marami pang maiiwan.

Bunga nito, nanawagan na kahapon ang DFA sa mga employer ng mga OFWs na tumalima sa nilagdaan nilang “contractual obligation” na nagsasaad na kailangan nilang ilikas ang mga OFWs sa delikadong sitwasyon gaya ng nagaganap sa Libya. Mula sa nasabing kontrata, nakasaad na hindi na kailangan pang hintayin ng employer na sabihan sila ng Embahada na ilikas ang mga OFWs  at obligasyon nila na pa­ngalagaan ang kaligtasan ng mga OFWs.

May 550 Pinoy na na-trap sa Tripoli ang inilikas kahapon mismo ni Acting Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario matapos na magkusang suungin nito ang panganib nang kanyag pasukin ang Libya kasama si Foreign Affairs Usec. Conejos at 2 pa patungong Embahada ng Tripoli kung saan nag-aantay ang mga Pinoy na na-trap.

Ang 550 Pinoy na nasagip ni del Rosario ay isinasakay sa 55 vans at bus noong Linggo at babagtasin ang mga daan na mapanganib patungo sa border ng Tunisia.

Bukod dito, sinabi  ni Enrico Fos, ng DFA-Office of Usec for Migrant Workers Affairs na may 1,725 pang na-trap  sa Benghazi ang ililikas pa ngayong Marso 1 sa isang chartered Greek-owned ship na pag-aari ng High Pride Shipping Co. Ltd. patungong border ng Egypt kung saan tutulak ang mga evacuees sa Alexandria o Cairo para sa flight pauwi sa Manila.

Ayon kay Fos umaabot na sa 321 Pinoy ang nakauwi na sa Manila at inaasahan na may darating pang 200 katao ngayon araw mula Libya.

Sinabi ng DFA na ang mga walang pasaporte na OFWs na nagnanais na umuwi sa Pilipinas ay maaari pang tumungo sa mga inilagay na command post ng Pilipinas sa border ng Egypt dahil maaari silang tulungan maiproseso ang kanilang travel documents.

Nakatakdang magpadala pa ng karagdagang 20-man team ang DFA na hahatiin sa apat na grupo bilang karagdagang augmentation sa mga command post ng Pilipinas sa border ng Egypt, Tunisia, Malta at Crete sa Greece.

Nanawagan din ang DFA sa mga Pinoy na na-trap na karamihan ay nasa disyerto na mas makakabuting huwag munang lumabas sa kanilang pinagtataguang camp site kung sa tingin nila ay mapanganib sa kanilang lalabasan hanggat hindi nakikipag-ugnayan sa Embahada ng Pilipinas.

Samantala, sinabi naman ni Pangulong Benigno Aquino III na hindi niya kailangan ang emergency powers dahil sapat ang resources ng DFA upang mailikas ang lahat ng OFW’s sa magulong lugar ng Libya.

Sinabi naman ni Fr. Allan Arcebuche ng Caritas-Libya, tanging mga Filipino workers na lamang ang naiiwan sa Libya habang ang mga ibang foreign workers tulad ng Aleman, British, Italians, Korean at Chinese ay nailikas na ng kanilang mga gobyerno.

Binatikos ni Fr. Arcebuche ang gobyernong Aquino sa mabagal na pagkilos upang tulungan ang mga OFW’s na gusto nang umuwi ng Pilipinas. Nasa 26,000 ang OFW’s sa Libya.

AYON

DFA

EMBAHADA

ESTEBAN CONEJOS

LIBYA

PILIPINAS

PINOY

USEC

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with