MANILA, Philippines - ‘Double time’ na ang ginagawang pagtatrabaho ngayon ng gobyerno upang maiuwi sa Pilipinas ang mga overseas Filipino workers na naiipit sa kaguluhan sa Libya.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, may mga susunod pang OFWs ang mga batch na dumating kahapon mula sa Libya.
Kahapon ay 97 OFWS na inilikas mula sa Libya ang sunud-sunod na dumating sa NAIA sakay ng chartered planes.
Idiniretso sila sa mismong recruitment agencies na nagpaalis sa kanila, kung saan nakatanggap sila ng tig-P5,000 financial assistance habang wala pang sweldo mula sa kanilang employer sa nasabing bansa.
Sinabi ng agency na walang naging problema ang Pinoy workers na kanilang inilikas dahil matatanggap din ang mga sahod nito na kasalukuyang pinoproseso pa at handa rin silang ipadala sa Qatar kung nanaisin ng mga ito na doon naman maging skilled workers. Malou Escudero/Ludy Bermudo