MANILA, Philippines - Dumulog sa Department of Justice ang Road Users Protection Advocates (RUPA) upang hilingin na imbestigahan ang umano’y paglabag ng Stradcom Corp. sa kontrata nito na build-own-operate (BOO) sa Land Transportation Office (LTO) na umano’y nagresulta ng bilyon pisong hindi otorisadong koleksiyon ng Stradcom mula sa publiko.
Sa liham na ipinadala sa tanggapan ni Justice Secretary Leila de Lima, binigyan diin ni RUPA member William Obrero Jr. na ang interconnectivity fees na kinokolekta ng Stradcom mula sa publiko ay hindi kasama sa BOO contract ng LTO, at ang hindi otorisadong pangongolekta sa bayad na isa umanong uri ng krimen na plunder.
Binanggit ni Obrero ang isang pagrebisa ng LTO sa BOO contract ng Stradcom na nakalagay na P1.273 billion sa interconnectivity fees ay kinolekta ng Stradcom mula sa private emission testing centers (PETCs), at ang P950 million ay kinolekta para sa interconnectivity fees sa beripikasyon ng certificates of insurance coverage.
Sinabi pa ni Obrero na ang Stradcom, na nasa ilalim ng pamamahala ni Cesar Quiambao, ay patuloy na hindi sinusunod ang kautusan ng Korte Suprema noong Enero 2010 na i-refund ang P31 million na bayad ng radio frequency identification (RFID) na iligal umanong kinolekta noong 2009.