'Impeach Mercy' umusad na sa House
MANILA, Philippines - Pinaboran ng Kongreso na maisulong ang impeachment proceeding laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez at inatasan din siyang sagutin ang nasabing reklamo sa loob ng tatlong araw matapos na makatanggap ng kopya nito.
Sa botong 21-5, ay naisulong ang impeachment sa kabila ng pagtutol ng kilalang kasangga ni Gutierrez na si Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo.
Itinakda ang pagdinig sa darating na Marso 1, 2, 9 at 9, 2011 ganap na alas 9:30 ng umaga. Sa nasabing pagdinig pag-aaralan ng Committee on Justice kung mayroong sapat na batayan upang mapatalsik sa puwesto si Gutierrez.
Magugunita na noong Pebrero 15, pinayagan ng Korte Suprema na maisulong ang impeachment laban kay Gutierrez.
Gayunman, sinabi nina Arroyo at Davao Rep. Marc Cagas na masyadong minamadali ng mga kalaban ni Gutierrez ang pagsusulong ng impeachment laban dito dahil hindi naman ito ang dapat na talakayin at desisyunan ng Committee on Justice kundi ang deportasyon ng mga Taiwanese nationals sa China.
Nanawagan naman si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na bigyan pa ng 10 araw si Gutierrez na makapagsumite ng kanyang mga dokumento para sagutin ang kaso laban sa kanya dahil naaayon naman ito sa House Rules on impeachment.
Idinagdag pa ng mga kaalyado ni Gutierrez na dapat din sampahan ng impeachment ang mga mahistrado ng Korte Suprema dahil hindi nabigyan ng mga ito ng tamang panahon ang isinumiteng petisyon ni Gutierrez.
- Latest
- Trending