Lindol sa New Zealand, ilang Pinoy na-trap!
MANILA, Philippines - Kinukumpirma na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ulat na may mga Pinoy ang naipit sa ilang gusali na bumagsak sanhi ng 6.3 lindol na tumama sa New Zealand na ikinasawi ng 65 katao, kahapon ng umaga.
Inamin ni Foreign Affairs Usec. Esteban Conejos Jr. na lubhang nahihirapan ang Embahada ng Pilipinas na makontak ang mga Pinoy sa Christchurch City, ang pinaka-sentro ng lindol dahil na rin sa putol ang mga linya ng komunikasyon, kuryente at telepono.
Gayunman, sinabi ni Conejos na mula sa report ni Honorary Consul Zedric Peter Wait na nakabase sa Christchurch ay wala pang Pinoy na iniulat na nasaktan o nasawi. May 2,000 Pinoy ang kasalukuyang nasa Christchurch, ang ikalawang pinakalamaking lungsod sa New Zealand.
Tinatayang marami pa ang natabunan sa mga gumuhong gusali.
Ilang minuto matapos ang malakas na lindol ay naramdaman ang 5.6 magnitude na aftershock sa Christchurch city.
Nanawagan na ang DFA sa mga kaanak o pamilya ng mga Pinoy sa Christchurch na nasa Pilipinas na agad na tumawag sa DFA hotline (tel. 8344580) upang makipagtulungang matunton ang kanilang mga apektadong kaanak sa nasabing bansa.
- Latest
- Trending