No evacuation sa Pinoys sa Libya, Yemen at Bahrain! - DFA
MANILA, Philippines - Nanindigan kahapon ang Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi pa kailangang ilikas ang mga OFW’s na nasa Libya, Yemen at Bahrain.
Gayunman, ayon sa DFA, nananatiling ligtas ang may 26,000 Pinoy sa Libya , 1,400 OFWs sa Yemen at may 31,000 pa sa Bahrain.
Sinabi ng DFA na naglagay na ng 24-hour crisis monitoring team ang mga Embahada at Konsulado na nakakasakop sa tatlong nabanggit na Arab nations.
Tiniyak naman ni Vice Consul Jose Garcia ng Phl Consulate sa Libya na handa na rin ang kanilang contingency plans para sa mga Pinoy na naiipit sa kaguluhan sa nasabing lugar.
Kahapon nagpalabas na rin ng travel advisory ang DFA na humihiling sa lahat ng Pinoy na nagpa-planong tumungo sa Libya, Yemen at Bahrain na huwag munang ituloy dahil sa security situation sa nasabing mga bansa bunga ng matinding karahasan sa mga isinasagawang kilos-protesta laban sa kanilang gobyerno.
Inalerto na rin ng mga Embahada ng Pilipinas sa Tripoli sa Libya, Manama sa Bahrain at Riyadh na sumasakop sa Yemen upang imonitor ang kalagayan ng mga Pinoy lalo na sa Libya kung saan iniulat na umaabot na sa 200 protesters ang nasawi sa may 6 araw ng demonstrasyon na humihiling na bumaba na si Libyan President Moammar Gadhafi na 42 taon na sa puwesto.
Pinapayuhan din ng Embahada ang mga Pinoy na maging alerto at umiwas sa mga lugar kung saan ginaganap ang madudugong kilos protesta at sagupaan.
Inatasan na rin ng DFA ang Embahada sa Tripoli na tingnan ang kalagayan ng may 1,800 Pinoy construction workers na na-trap o naipit sa isang construction site sa Benghazi City matapos na humingi ang mga ito ng saklolo at hiling na ilikas sa lugar.
Niliwanag ng DFA na hindi pa kinakailangang ilikas ang mga Pinoy sa nasabing mga bansa dahil maging ang ibang nationality tulad ng Thai, Indonesian, Pakistani, Indian at Bangladeshi na may malaki ring bilang ng kanilang manggagawa ay hindi pa rin nagsasagawa ng paglilikas bagaman sila ay naka-heightened alert.
Sa Yemen kung saan may pito na ang nasawi, nag-alok na ng isang dayalogo si President Ali Abdullah Saleh sa oposisyon upang matigil na ang stand-off ng mga protesters.
- Latest
- Trending