MANILA, Philippines - Plano ng Department of Education (DepEd) na isama sa curriculum ang pagtuturo sa mga mag-aaral ng pangangalaga sa karapatang-pantao kasunod ng ulat na maraming mag-aaral ang dumaranas ng pang-aabuso tulad ng pananakit, pagsasalita ng masama, gayundin ng pang-aabusong sekswal.
Ayon kay DepEd Undersecretary for plans and programs Yolanda Quijano, layunin ng plano na maprotektahan ang kapakanan at karapatan ng mga estudyante.
Natukoy ang mataas na insidente ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso sa mga mag-aaral sa National Capital Region (NCR), Regions IV-A (Calabarzon), III (Central Luzon), V (Bicol Region), VI (Western Visayas), VIII (Eastern Visayas), at Cordillera Administrative Region (CAR).
Karamihan sa mga naaabuso ay mga mag-aaral na walang magulang at nakikitira lang sa mga kamag-anak.
Aminado rin si Quijano na may mga kaso rin kung saan mismong mga guro ang sangkot sa pang-aabuso sa mga mag-aaral.