15 years hatol sa school owner
MANILA, Philippines – Hinatulan ng QC Regional Trial Court na makulong ng 15 taon ang isang may-ari ng paaralan dahil sa pagkabigo nitong iremit sa Social Security System (SSS) ang monthly contributions na nakokolekta nito sa mga empleado sa loob ng 3 at kalahating taon.
Pinagbabayad din ni QCRTC Judge Fernando Sagun si Venancio Bagtas, may-ari ng St. Louis de Montfort School sa Caloocan City ng halagang P751,240 bilang overdue premiums kasama na ang penalty mula Hulyo 1998 hanggang Disyembre 2001.
Sa 9 pahinang desisyon ng korte, sinabi ni Judge Sagun na wala man lamang maipakitang ebedensiya o saksi bilang depensa ng akusado kayat agad na napabilis ang pagresolba sa kasong ito.
Ayon sa pamunuan ng SSS na siyang complainant sa kaso, maka ilang beses na nilang pinaalalahanan si Bagtas na mag-remit ng SSS contributions ng mga tauhan pero hindi sila pinakikinggan nito kayat minarapat na kasuhan na ito sa korte.
Pinayuhan naman ni SSS President at CEO Emilio de Quiros ang mga empleado sa pribadong sector na alamin kung ang kanilang kumpanya ay nagreremit ng kanilang SSS monthly contributions upang hindi ito makaapekto sa pagkuha ng kanilang benepisyo sa ahensiya.
- Latest
- Trending