MANILA, Philippines – Milagro na lamang umano ang makapagliligtas sa tatlong Pinoy na nakatakdang bitayin sa China sa pamamagitan ng lethal injection sa Lunes at Martes.
Ito’y matapos tanggihan ni Chinese President Hu Jintao ang kahilingan ni Pangulong Aquino na makausap sa telepono ang una upang umapela na ibaba na lamang sa life sentence ang hatol na bitay sa tatlong Pinoy na sina Sally Villanueva, 32; Elizabeth Batain, 38, at Ramon Credo, 42.
Bagaman tila napahiya ang Pilipinas sa pagtanggi ng China na magkausap sina Pangulong Aquino at President Jintao ay kumilos pa rin ang Pangulo at inatasan si Vice Pres. Jejomar Binay na tumungo sa Beijing na siyang magsisilbing emisaryo at personal na aapela kay Jintao bilang kinatawan ng Pangulo.
Gayunman, sinabi ng Chinese Foreign Ministry na ‘inappropriate” o hindi daw ito ang tamang oras upang magpunta si Binay sa China para iapela ang hatol dahil final and executory na ang pagbitay na nakatakda sa Peb. 21 at 22.
Labis namang ikinalungkot ni Binay ang naging resulta ng huling option ng pamahalaan na pakiusapan niya si Jintao.
Kahapon ng umaga ay tinulungan na rin ng DFA ang mga kaanak ng tatlong bibitayin upang agad na makakuha ng kanilang pasaporte patungo sa China. Aakuin ng Pilipinas ang lahat ng gastusin ng mga ito.
Sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Esteban Conejos na tanging ang pagtungo ng mga kaanak ng mga bibitayin ang sinang-ayunan ng China.
Sa Sabado nakatakdang lumipad ang mga kaanak ng tatlong OFW patungong Beijing at sa Linggo ay makakaharap nila ang kanilang kaanak na isasalang sa lethal injection.
Gayunman, mahigpit nilang ipinagbabawal sa araw ng bitay ang sinumang kaanak, diplomat o lawyer sa panig ng mga Pinoy na saksihan ang isasagawang pagtuturok ng lason sa tatlo.
Sa batas ng China, hindi pinapayagan ang sinuman na masaksihan ang pagbitay mula sa kampo ng mga bibitayin at pinapayagan lamang na makita at makausap ang mga ito isang araw bago ang ang execution.
Gayunman, nanawagan na si Binay na tumatayo ring Presidential adviser on overseas Filipino workers affairs sa mamamayang Pilipino na magdasal upang makakuha ng milagro para hindi matuloy ang bitay sa tatlong Pinoy.